MANILA, Philippines – Malakas ang tsansa ng Pilipinas na makuha ang isa sa tatlong hosting rights sa 2016 FIBA Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Hulyo 4 hanggang 10.
Ayon kay Samahang Basketbol ng Pilipinas President Manny V. Pangilinan, nakumpleto ng asosasyon ang mga resikitos na hiningi ng FIBA sa pormal na paghahain ng bidding.
“We have a reasonable shot at hosting the Olympic qualifying tournaments next year, being the only Asian country to bid. My guess is that FIBA would like to see Asia as one of the three zones, mainly because Asia is a huge potential for basketball,” wika ni Pangilinan.
Nakapagbayad ang Pilipinas ng bidding fee na 20,000 Euros noong Oktubre habang naisumite nito ang mga kinakailangang dokumento isang linggo bago ang itinakdang deadline ng FIBA.
Kasama ang Pilipinas sa anim na pinagpipiliang bansa kabilang ang Czech Republic, Germany, Italy, Serbia at Turkey.
Matapos ang deliberasyon ng nine-man FIBA executive committee, ihahayag ng FIBA ang tatlong magwawaging koponan sa Enero 19.
Orihinal na nakatakda ang pagsisiwalat ng mga napiling hosts noong Nobyembre 23 ngunit ipinagpaliban ito ng FIBA upang lubos na masuri ang mga dokumentong isinumite ng anim na bansang kalahok sa bidding.
Ang FIBA executive committee ay binubuo nina Horacio Muratore ng Argentina, Patrick Baumann ng Switzerland, Ingo Weiss ng Germany, Richard Carrion ng Puerto Rico, Turgay Demirel ng Turkey, Harmane Niang ng Mali, Jose Luis Saez ng Spain, Burton Shipley ng New Zealand at Mark Tatum ng USA.
May 18 bansa ang maglalaro sa Olympic qualifying tournaments. Hahatiin ang mga ito sa tatlong grupo.
Maliban sa Pilipinas na awtomatikong nakakuha ng puwesto sa Olympic qualifying matapos ang silver-medal finish nito sa FIBA Asia, ang iba pang lalaro sa naturang torneo ay ang Iran at Japan mula sa Asya.
Kasama rin ang France, Serbia, Greece, Italy at Czech Republic mula Europe; Canada, Mexico at Puerto Rico mula Americas; Angola, Tunisia at Senegal mula Africa; at New Zealand mula sa Oceania.
Ang tatlong slots naman ang ibibigay sa bawat host ng tatlong Olympic qualifying tournaments.
Ang mangunguna sa tatlong magkakahiwalay na Olympic qualifying ang siyang uusad sa 2016 Olympic Games na idaraos sa Rio de Janeiro, Brazil.