Thunder dinomina ang Lakers; Rockets, Knicks umiskor
OKLAHOMA CITY – Hindi naglaro si Kobe Bryant.
Kaya naman hindi naging problema ng Oklahoma City Thunder ang Los Angeles Lakers.
Sa pag-upo ni Bryant sa laro bunga ng sore right shoulder, kumamada si Kevin Durant ng 22 points at 8 rebounds, habang nagdagdag si Russell Westbrook ng 13 points at 11 assists para pamunuan ang Thunder sa 118-78 pagdurog sa Lakers.
Ito ang pang-walong sunod na home victory ng Thunder.
Nag-ambag si Enes Kanter ng 19 points at 14 rebounds, at inilista ni Westbrook ang kanyang ika-18 double-double sa season para sa Oklahoma City.
Tinalo ng Thunder ang Lakers sa pang-limang sunod na pagkakataon.
Ang point total ng Lakers ang kanilang second-lowest ngayong season.
Kinuha ng Thunder ang 46-point lead kung hindi na nakaporma ang Lakers.
“We just tried to make the right play every time down and defensively, we just tried to cover for each other,” wika ni Durant. “We came in at halftime and coach (Billy Donovan) said we’ve got to still stick with our principles and still play the game the right way and I think we did a good job.”
Si Bryant ay pinalitan sa line-up ni rookie Anthony Brown.
Pinangunahan ni Lou Williams ang Los Angeles sa kanyang 20 points kasunod ang 15 markers ni Fil-Am guard Jordan Clarkson.
Nalasap ng Lakers ang kanilang ika-15 kabiguan sa huling 17 laro.
Sa Houston, kumolekta si center Dwight Howard ng 22 points at 14 rebounds para ihatid ang Rockets sa 107-97 panalo laban sa Los Angeles Clippers.
Ipinoste ng Rockets ang 26-point lead sa first half bago buksan ang fourth quarter mula sa 8-2 atake para ibaon ang Clippers sa 91-73.
Sa New York, tumapos si Carmelo Anthony na may 27 points para akayin ang Knicks sa 107-91 paggupo sa napagod na Chicago Bulls para ilista ang kanilang pang-apat na sunod na panalo.
Nagdagdag si Arron Afflalo ng 18 points para sa New York.
Nagmula ang Bulls sa four-overtime loss sa Detroit Pistons.
- Latest