MANILA, Philippines – Sa kanilang ikalawang season ay nakamit ng Elite ang una nilang misyon.
Ibinulsa ng Blackwater ang pang-10 at huling tiket sa quarterfinal round matapos talunin ang Mahindra, 108-99, sa 2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Humataw si Mike Cortez ng game-high na 30 markers para sa Elite (3-8) kasunod ang 24 ni Reil Cervantes, 16 ni Bam Bam Gamalinda at 14 ni Carlo Lastimosa.
“This is our first playoffs appearance so this will be a new experience for us,” sabi ni coach Leo Isaac sa Blackwater. “We’re excited about this. I am happy for the management as we go into our second year from a ragtag team competing with high caliber teams.”
Bilang No. 10 team ay sasagupain ng Elite ang No. 3 Rain or Shine Elasto Painters (8-3), habang sasamahan ng Enforcers (2-9) ang Meralco Bolts (1-10) sa maagang pagbabakasyon.
Ang ikalawang three-point shot ni Cervantes ang nagbigay sa Blackwater ng 20-point lead, 86-66, sa 10:37 minuto ng fourth quarter hanggang makalapit ang Mahindra sa 99-104 agwat matapos ang drive ni guard LA Revilla sa huling 46 segundo.
Ang dalawang free throws ni Cortez sa natitirang 35 segundo ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Elite.
Sa ikalawang laro, inangkin ng Barangay Ginebra (7-4) ang No. 4 seat matapos kunin ang 91-84 panalo laban sa Talk ‘N Text (6-5).
Lalabanan ng No. 4 Gin Kings ang No. 9 Star Hotshots, habang sasagupain ng Tropang Texters ang No. 7 NLEX Road Warriors sa quarterfinals.
Ang No. 3, 4, 5 at 6 teams ay may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 10, 9, 8 at 7, ayon sa pagkakasunod.
Blackwater 108 - Cortez 30, Cervantes 24, Gamalinda 16, Lastimosa 14, Dela Cruz 8, Erram 8, Ballesteros 4, Cañada 2, Reyes 2, Golla 0.
Mahindra 99 - Ramos 22, Digregorio 20, Revilla 15, Canaleta 12, Dehesa 12, Yee 7, Guinto 6, Pinto 2, Webb 2, Pascual 1, Bagatsing 0, Hubalde 0, Laure 0, Paredes 0.
Quarterscores: 23-26; 51-42; 80-61; 108-99.
Ginebra 91 - Slaughter 27, Aguilar 17, Mercado 12, Devance 8, Ellis 8, Tenorio 6, Caguioa 5, Salva 4, Cruz 2, Thompson 2, Helterbrand 0, Marcelo 0.
Talk ‘N Text 84 - Rosario 22, Fonacier 14, Castro 13, Carey 10, Williams 9, Reyes 6, Aban 4, Tautuaa 4, Miranda 2, Rosser 0, Seigle 0.
Quarterscores: 25-21; 45-40; 70-56; 91-84.