NCAA Season 91 men’s football Chiefs kontra Pirates; Lions vs Blazers sa Final 4
MANILA, Philippines – Sisipa ang Final Four games ng National Collegiate Athletic Association Season 91 football competition sa Enero 7 sa Rizal Memorial Football Stadium.
Umusad sa Final Four ang defending champion San Beda College, Arellano University, College of St. Benilde at Lyceum of the Philippines University matapos ang elimination round.
Maghaharap ang top seed Arellano at fourth pick Lyceum sa unang laro sa alas-11:30 ng umaga na susundan ng bakbakan ng San Beda at Benilde sa ala-1:30 ng hapon.
Ipapatupad sa Final Four ang round-robin format kung saan ang dalawang mangungunang koponan ang siyang uusad sa championship round.
Nakuha ng Arellano ang top seeding matapos makalikom ng 18 puntos mula sa malinis na anim na panalo habang pumangalawa naman ang San Beda na may 13 puntos buhat sa apat na panalo, isang draw at isang talo.
May 13 puntos din ang Benilde galing sa parehong apat na panalo, isang draw at isang talo subalit mas mataas ang goal difference ng Beda na 43 kumpara sa kanilang 19 lamang.
Pumang-apat ang Lyceum na kumulekta ng pitong puntos sa kanilang dalawang panalo, isang draw at tatlong talo.
Lalaruin ang iba pang Final Four games sa Enero 9 - Arellano vs Benilde (11:30 a.m.) at Lyceum vs San Beda (1:30 p.m.) at sa Enero 12 - Lyceum vs Benilde (11:30 a.m.) at Arellano vs San Beda (1:30 p.m.).
Samantala, dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan dala ng bagyong Onyok, kinansela NCAA ang mga nakatakdang laro sa juniors football sa Moro Lorenzo Football Field kahapon.
Ang mga larong kinansela ay sa pagitan ng nagdedepensang FEU-Diliman at La Salle Zobel kontra UST na siya sanang magsisilbing final day sa elimination round at ito ay lalaruin sa Jan. 16.
- Latest