Cavs inilusot ni James sa Thunder

Tumilapon sa upuan ng mag-asawang Jason at Ellie Day si Cavaliers’ Lebron James sa second half ng kanilang laban ng Thunder. Makikita sa kanang larawan si Ellie na isinakay sa stretcher para dalhin sa isang hospital.

CLEVELAND -- Hindi napahinto ang sarili, humagis ang 250-pound body ni LeBron James sa ere at nahulog sa kandungan ng isang courtside spectator.

Hindi niya alam na ang kanyang nadaganan ay ang asawa ni 2015 PGA champion Jason Day.

Nakipag-agawan sa loose ball, dumiretso ang Cavaliers star sa kandu­ngan ni Ellie Day na nag­resulta sa pagkakadala sa kanya sa ospital sa fourth quarter ng 104-100 panalo ng  Cavaliers laban sa  Oklahoma City Thunder.

Walang inihayag na statement ang Cleveland tungkol sa kondisyon ni Ellie Day.

Ang huling mga minuto ng nasabing NBA game ay naging isang trivial.

Kaagad isinakay si Ellie Day, nagsilang ng kanyang ikalawang anak noong nakaraang buwan, sa stretcher mula sa Quicken Loans Arena at dinala sa MetroHealth Medical Center.

Sinamahan siya ni Jason Day na ilang minuto bago ang insidente ay nagpamigay ng mga foam basketballs bilang bahagi ng isang promotion.

Sa pag-asikaso ng me­dical personnel kay Ellie Day sa arena ay pinuntahan siya ni James at hinawakan ang kanyang kamay.

“She squeezed my hand and said she was fine,” ani James.

Tumapos si James na may 33 points, 11 assists at  9 rebounds.

Sa iba pang laro, tinalo ng Houston Rockets ang Los Angeles Lakers, 107-87 at binigo ng Charlotte Hornets ang Toronto Raptors sa overtime, 109-99.

Show comments