MANILA, Philippines – Ginulpi ng nagdedepensang Arellano University ang Emilio Aguinaldo College, 25-11, 25-7, 25-20 upang masikwat ang kanilang ikalimang panalo kahapon sa NCAA Season 91 women’s volleyball tournament sa Ninoy Aquino Stadium.
Nagbalik ang angas ni Christine Joy Rosario nang magrehistro ito ng 18 puntos tampok ang 15 attacks para tulungan ang Lady Chiefs na mapaganda ang rekord sa 5-1 at manatiling nakakapit sa ikalawang puwesto.
Tumulong din si Jovielyn Grace Prado na umiskor ng 13 puntos gayundin si Danna Henson na nagdagdag naman ng 12 puntos para sa Arellano.
Sinabi ni Arellano head coach Obet Javier na mahalaga ang bawat laro dahil nagpatupad ang liga ng bagong format sa taong ito kung saan ang dalawang mangungunang koponan sa pagtatapos ng single-round elimination ay mabibiyayaan ng twice-to-beat advantage sa Final Four.
“After our loss to San Sebastian, we’re hoping to win our last few games to stay in the top two,” pahayag ni Javier.
Magugunitang lumasap ng 23-25, 25-18, 23-25, 21-25 kabiguan ang Arellano laban sa San Sebastian noong Sabado.
Hawak ng Lady Stags ang solong liderato tangan ang malinis na 5-0 rekord.
Namayani naman ang Jose Rizal U kontra sa San Beda, 25-20, 25-23, 25-10 upang manatiling buhay ang pag-asa nitong makapasok sa Final Four hawak ang 3-3 rekord.
Sa men’s division, pinatumba ng reigning champion EAC ang Arellano, 25-22, 22-25, 25-23, 25-21, para patatagin ang kapit sa ikalawang puwesto taglay ang 6-1 karta.