MANILA, Philippines – Itinanghal na co-champions ang San Beda College at Far Eastern University matapos gapiin ang kani-kanilang karibal kahapon sa National Collegiate Championships sa The Arena sa San Juan City.
Itinarak ng San Beda ang agresibong 94-72 panalo laban sa reigning NCAA champion Colegio de San Juan de Letran para masiguro ang kanilang ikalawang sunod na kampeonato sa liga.
Nanguna si rookie Davon Potts na kumana ng 11 puntos at pitong rebounds habang pitong manlalaro pa ang nagdagdag ng tigsi-siyam na puntos para sa balanseng atake ng Red Lions.
Ang panalo rin ang nagsilbing matamis na pagresbak ng Red Lions sa Knights na siyang tumalo sa kanila sa best-of-three finals ng NCAA Season 91 kamakailan.
“We just want a victory, that’s all,” wika ni San Beda coach Jamike Jarin.
Sa kabilang banda, nalusutan ng FEU ang matikas na hamon ng University of San Carlos bago iselyo ang 82-77 panalo.
Pasok sa Mythical Five sina Potts, Donald Tankoua at Robert Bolick ng San Beda, at sina Jeric Balanza at Rey Nambatac ng Letran sa first game habang kasama sa Mythical Five sa second game sina Ian Tagapan at Shooster Olago ng USC at sina Jojo Trinidad, Prince Orizu at Ken Holmqvist.
Itinanghal na Most Valuable Player si Holmqvist habang Best Coaches naman sina Jarin at FEU mentor Nash Racela.