MANILA, Philippines – Pinabagsak ng Hobe Bihon-Cars Unlimited ang Far Eastern University-NRFM, 81-76 para maibalik sa kanila ang kampeonato ng 5th DELeague Basketball Tournament nitong Martes ng gabi.
Ito ang ikatlong korona ng Hobe Bihon sa loob ng apat na taon matapos magwagi noong 2012 at 2013 bago nadiskaril sa Siargao Legends sa finals noong nakaraang taon.
Mula sa 78-73 kalamangan ng Hobe Bihon, nagawang magbanta ng Tamaraws nang umiskor si Leo Avenido ng triples para ibaba sa dalawang puntos ang abante ng kalaban, 76-78 may 27 segundo na lang ang nalalabi.
At sa sumunod na play, naging mainit ang palitan ng basket ng dalawang koponan hanggang sa ma-ngibabaw sa huli ang Hobe Bihon matapos manalasa si Roger Yap para muling ihatid sa unahan ang koponan na hindi na nilingon pa ang katunggali.
“Natutuwa talaga kami at nabawi namin ang championship ng DELeague. Team work lang talaga,” sabi ni coach Braulio Lim ng Hobe Bihon na ibinulsa rin ang P200,000 premyo.
Tumapos si Rodrigue Ebondo ng 16 puntos at siya ring hinirang na MVP ng liga na itinataguyod ni Mayor Del De Guzman at sinusuportahan ng PSBank, Accel Sportswear, PCA -Marivalley, Fat Cousins, Angels Burger at Mckies Construction Equipment Sales and Rental.
Nakasama naman ni Ebondo sa Mythical Five sina Francis “Kiko”Adriano (Sta. Lucia Land Inc.), Avenido (FEU-NRMF), Prince Eze (FEU-NRMF) at Bon-bon Custodio (Hobe Bihon-Cars Unlimited).