Altas inagaw ang liderato

MANILA, Philippines – Mabilis na pinatumba ng University of Perpetual Help ang Jose Rizal University, 25-16, 25-20, 25-19 para makuha ang solong liderato sa NCAA Season 91 men’s volleyball tournament kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Nagtulong sina Bonjomar Castel at Rey Taneo Jr. nang magtarak ito ng pinagsamang 23 puntos upang pamunuan ang Altas na makopo ang kanilang ikalimang sunod na panalo.

“If we keep on playing with this kind of killer instinct the whole tournament, we'll have a chance to get that cham­pionship again,” ani Perpetual Help coach Sammy Acaylar.

Nahulog naman sa ikalawang puwesto ang nagdedepensang Emilio Aguinaldo College matapos lumasap ng 23-25, 25-14, 22-25, 25-18, 14-16 pagyuko sa kamay ng Lyceum of the Philippines University.

Humataw ng 17 puntos si Aram Abrencillo habang nagdagdag si Joeward Presnede ng 15 puntos para dalhin ang Pirates sa pinakamalaking upset sa unang ikutan ng eliminasyon.

Nawalan ng saysay ang pinaghirapang 29 puntos ni reigning Most Valuable Player Howard Mojica gayundin ang 16 puntos ni Kerth Melliza at 15 ni Israel Encina para sa Generals na umani ng kanilang unang kabiguan.

Bumagsak sa 5-1 rekord ang EAC.

Show comments