MANILA, Philippines – Tatlong bagong miyembro ng coaching staff ang pinangalanan ng University of Perpetual Help na siyang magmamando sa kampanya ng Altas sa National Collegiate Athletic Association men’s basketball tournament sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Perpetual Help athletic director Jeff Tamayo na siyang kinatawan ng unibersidad sa NCAA Management Committee kung saan itinalaga sina Perpetual Help owner Antonio Tamayo, Atty. Neil Barry Tobias at Nigerian Nic Omorogbe sa puwesto.
Papalitan ng tatlo ang dating head coach na si Aric del Rosario.
Agad na sisimulan ng bagong coaches ang kanilang programa upang matiyak na handa ang Altas sa ika-92 edisyon ng liga.
“We’re happy and confident with our new coaching staff and they will start preparations anytime now,” ani Tamayo.
Si Tamayo ang nagmamay-ari ng lahat ng kumpanya ng Perpetual Help gaya ng ospital at paaralan nito.
Dating magkasama sina Tamayo at Del Rosario sa University of Santo Tomas high school basketball team. Nagtapos naman si Tobias sa De La Salle University ngunit nag-aral ito ng law school sa Perpetual Help habang si Omorogbe ay bahagi ng coaching staff na tumulong sa Perpetual para makapasok sa Final Four noong 2012 at 2013.
Sa kasalukuyan, tanging ang Colegio de San Juan de Letran na lamang ang wala pang bagong mentor matapos lumipat si Aldin Ayo sa La Salle kamakailan.
Maugong ang pangalan ni Kerby Raymundo, na miyembro ng Knights na nagkampeon noong 1998 at 1999 sa NCAA, sa posibleng pumalit sa puwesto ni Ayo.