MANILA, Philippines – Hindi kukunsintihin ng Philippine Basketball Association ang paghithit ni Barangay Ginebra team governor Alfrancis Chua ng e-cigarette habang nasa bench sa laro ng Gin Kings laban sa Blackwater Elite noong Disyembre 5 sa Angeles, Pampanga.
Matatandaang kumalat sa social media ang video ng paghithit ni Chua ng e-cigarette habang nasa bench ng Ginebra.
“Any infraction of any player, they come in, we fine them, and it’s over. Rest assured we are responsible people in this association. In the 41 years, hindi pababayaan ng Board yan,” sabi ni PBA Commissioner Chito Narvasa.
Idinagdag ni Narvasa na ang mga team officials at players ay nagsisilbing role models sa mga manonood kaya dapat lamang na maging maayos ang kanilang mga gagawin sa loob at labas ng court.
Humingi naman ng paumanhin si Chua sa kanyang nagawa.
“I advised him. Sabi ko sa kanya, alam mo Alfrancis, you, being a team governor, there are going to be a lot of implications. I guess you know that,” wika ni Narvasa. “Yung paninigarilyo, they think of it as detrimental talaga. Sabi ko sa kanya, ‘I hope that you can stop it during games.’”
“He was very, profusely apologetic. Sabi niya, ‘comm, alam kong mali ako. Sorry talaga hindi na mauulit,’ dagdag pa nito.
Kung muling mangyayari ito ay tatawagan na ng technical foul si Chua at maaari pang mapatalsik sa laro, ayon sa PBA Commissioner.