PSL pinangalanan ang mga swimmer na isasabak sa international tourney
MANILA, Philippines – Pinangalanan ng Philippine Swimming League (PSL) ang walong tankers na mangunguna sa kampanya ng Pilipinas sa malalaking international competitions sa susunod na taon.
Bumabandera sa listahan si University of Santo Tomas standout Sean Terence Zamora na tunay na nagpasiklab sa local at international competitions ngayong taon tampok ang kanyang walong ginto sa Australia, anim na ginto sa Hong Kong, tatlong ginto sa Singapore at dalawang ginto sa Japan.
Walong Most Outstanding Swimmer awards at limang President’s Trophies din ang naibulsa nito sa 2015 PSL National Series.
Maliban kay Zamora, kasama rin sa national team sina Marc Bryan Dula ng Weissenheimer Academy, Paul Christian King Cusing ng Diliman Preparatory School at Ferdinand Ian Trinidad ng Pedro Guevara Memorial National High School-Laguna.
Pasok naman sa girls team sina Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque, Kyla Soguilon ng Sun Yat Sen Kalibo, Joy Rodgers ng University of the Philippines (UP) at Charize Juliana Esmero ng UP Integrated School.
“We based ito on their performance this year. The elite list of swimmers are now qualified in all international competitions for 2016. They will be given travel suitcase by PSL and team uniforms will also be provided,” pahayag ni PSL President Susan Papa.
Kandidato namang mapasama sa listahan sina Jerard Dominic Jacinto, Drew Benett Magbag, Lans Rawlin Donato, Jux Solita, Carmenrose Matabuena at Andrea Pacheco.
Kinakailangan muna ng mga ito na magpakitang-gilas sa dalawang edisyon ng PSL National Series sa Enero at Pebrero.
- Latest