Pananalasa ng Warriors tinapos ng Bucks

Nakayuko ang ulo na naglakad si Stephen Curry papunta sa bench ng Golden State matapos malasap ang kanilang kauna-unahang pagkatalo sa kamay ng Milwaukee Bucks.

MILWAUKEE – Ang Milwaukee Bucks ang tumapos sa kasalukuyang record na 33-game winning streak ng Los Angeles Lakers noong 1971-72.

At sila rin ang pumigil sa NBA-record start na 24-0 ng nagdedepensang Golden State Warriors matapos iposte ang 108-95 panalo NITONG SABADO SA NBA.

Natapos din ang 28-game winning streak ng Golden State, kasama rito ang huling apat nilang ratsada sa nakaraang season.

Maaaring masyadong napagod ang Warriors (24-1) mula sa kanilang double overtime win laban sa Boston Celtics noong Biyernes na nagresulta sa kanilang malam­yang 6-of-26 shooting sa 3-point range.

Tumapos si Stephen Curry na may 28 points mula sa 10-of-21 fieldgoal shooting kasama ang 2-of-8 sa 3-point territory.

Nauna nang kumakamada ang Golden State ng 13 triples sa bawat laro.

Tumipa si Greg Monroe ng 28 points para pangunahan ang Bucks sa panalo laban sa Warriors.

Sa iba pang resulta, tinalo ng Boston Celtics ang Charlotte Hornets, 98-93; binigo ng Detroit Pistons ang Indiana Pacers, 118-96; giniba ng San Antonio Spurs ang Atlanta Hawks, 103-78; tinakasan ng Chicago Bulls ang New Orleans Pelicans, 98-94; ginitla ng Washington Wizards ang Dallas Mavericks, 114-111; dinaig ng New York Knicks ang Portland Trail Blazers, 112-110; pinataob ng Los Angeles Clippers ang Brooklyn Nets, 105-100 at inilampaso ng Houston Rockets ang Los Angeles Lakers, 126-97.

Show comments