MANILA, Philippines - Aarangkada bukas ang 88th Philippine Swimming League (PSL) National Series - Inter-School/Inter-Club Motivational Yearender Swimming Meet sa Diliman College swimming pool sa Quezon City.
Ang torneo ang huling kumpetisyon ng PSL sa taong ito bago ihayag ang listahan ng mga nagkwalipika sa mga international tournaments na lalahukan ng asosasyon sa susunod na taon kabilang ang Indian Ocean All-Star Challenge sa Australia, Phuket Invitational Swimming Championship sa Thailand at Hong Kong Stingrays Swimming Meet.
“As we always say, our competition is open to all. We are inviting everyone to participate especially those who want to represent our country in international level,” pahayag ni PSL President Susan Papa.
Pararangalan ng medalya ang tatlong mangunguna sa bawat event habang bibigyan naman ng tropeo ang mga tatanghaling Most Outstanding Swimmer sa kani-kanilang age groups.
Magkakamit naman ng tig-P1,500 papremyo kalakip ang President’s Trophy ang dalawang tankers (isa sa babae at isa sa lalaki) na magtatala ng pinakamataas na FINA points.
Nais ng PSL na magkaroon ng mas magarbong kampanya sa susunod na taon kaya’t masusing pinag-aaralan ng PSL board ang listahan ng mga kandidato.
“A lot of successful swimmers started in the motivational level. Some of them have improved a lot just like the Cusing siblings (Paul, Carmela and Celine). Nag-start sila sa ‘learn to swim program’ and now they’re winning medals abroad,” dagdag ni Papa.