MANILA, Philippines - Handa na ang San Beda College na ipagtanggol ang korona nito laban sa matitikas na collegiate teams sa bansa sa National Collegiate Championships.
Magiging tinik sa daan ng Red Lions ang University Athletic Association of the Philippines champion Far Eastern University, National Collegiate Athletic Association titlist Colegio de San Juan de Letran at Cebu Schools Athletic Foundation, Inc. (Cesafi) winner University of San Carlos.
Ang apat na koponan ay nakasisiguro na ng kanya-kanyang silya sa Elite 8 kasama ang UAAP runner-up University of Santo Tomas at Cesafi second-placer University of Visayas habang ang dalawang nalalabing tiket ay paglalabanan sa Luzon-Manila qualifiying.
Hahataw sa Luzon-Manila ang National University, Jose Rizal University, Mapua Institute of Technology, Technological Institute of the Philippines, PATTS Aeronautics, Olivarez College, Lyceum-Northwestern at St. Claire College.
Mapapanood ang mga laban sa ABS-CBN Sports + Action sa alas-2 at alas-4 ng hapon. Magsisimula ang bakbakan sa Elite 8 sa Disyembre 13.
Naibulsa ng San Beda ang kampeonato noong nakaraang taon nang talunin nito ang De La Salle University, 2-0 (88-81, 73-66), sa kanilang best-of-three championship series.