Lady Chiefs sumalo sa liderato sa NCAA women’s volley
MANILA, Philippines – Pinutulan ng pangil ng Arellano University ang San Beda College, 25-18, 25-16, 25-20 upang muling makisalo sa liderato ng NCAA Season 91 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Lady Chiefs kung saan bumida si Jovielyn Grace Prado na nagsumite ng 17 puntos habang nag-ambag si Christine Joy Rosario ng 13 puntos.
Naging maganda rin ang kontribusyon nina Danna Henson at Shirley Salamagos na may pinagsamang 21 puntos para sa Lady Chiefs.
“Naging aggressive lang kami sa buong laro. Yun ang nagpanalo sa amin. Hindi nawala ang aggressiveness namin from start to finish,” pahayag ni Arellano head coach Obet Javier.
Makakasama ng Arellano sa unahan ng standings ang San Sebastian College na may hawak ding malinis na 4-0 rekord.
Nakaresbak naman ang San Beda sa men’s division matapos patumbahin ang Arellano sa bisa ng 22-25, 25-19, 25-14, 17-25, 15-12 panalo.
Umangat sa ikaapat na puwesto ang Red Lions taglay ang 3-1 baraha habang ang Chiefs ay nalaglag sa 2-2 marka.
Nagpakawala sina Yeshua Felix Manliclic at Mark Christian Enciso ng tig-17 puntos samantalang may idinagdag na 12 si Alfie Mascarinas para pamunuan ang San Beda.
Sa juniors’ division, wagi ang Arellano sa San Beda, 25-15, 25-12, 25-21 para masolo ang ikalawang puwesto hawak ang 3-1 kartada sa ilalim ng Perpetual Help na may malinis na 4-0 rekord.
- Latest