MANILA, Philippines – Ito na ang pagkakataon para muling ilagay ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. ang kanyang pangalan sa listahan ng mga world boxing champions.
Kahapon ay inihayag ng World Boxing Organization ang pagkakabakante sa super bantamweight title matapos iurong ng dating kampeong si two-time Olympic Games golds medalist Guillermo Rigondeuax ang kanyang apela sa pagkatanggal sa kanyang korona.
Dahil dito ay sinabi ng WBO na pag-aagawan nina Donaire (35-3-0, 23 KO’s) at Mexican fighter Cesar Juarez (17-3-0, 13 KOs) ang naturang super bantamweight crown bukas sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico.
Hangad ng dating world four division world champion na si Donaire, tinalo ni Rigondeuax (16-0-0, 10 KOs) noong 2013 sa kanilang light featherweight world title unification bout, na muling hiranging world champion.
At hindi niya mamaliitin ang kakayahan ng 24-anyos na si Juarez.
“My opponent is a tough guy and he is hungry like a wolf. My job is to beat the wolf. He’s actually ranked higher than me. He is No. 1 and I am No. 2,” sabi ng 32-anyos na si Donaire.
Naisuko ni Doaire ang kanyang dating hawak na World Boxing Association featherweight belt kay Jamaican Nicholas Walters via sixth-round knockout noong 2013.
Si Donaire ay nahirang na 2012 Fighter of the Year matapos talunin sina Wilfredo Vasquez Jr., Jeffrey Mathebula, Toshiaki Nishioka at Jorge Arce.