Blow-by-Blow muling binuhay ni Pacquiao
MANILA, Philippines – Mabibigyan ng pagkakataong maging world-class ang pinakamatitikas na boksingero sa bansa sa pagbuhay ni eight-division world boxing champion Manny Pacquiao sa blow-by-blow boxing event na tatawaging “Manny Pacquaio Presents Blow-by-Blow.”
Pormal nang inilunsad kahapon ang naturang event sa pangunguna nina dating North Cotabato Governor Emmanuel Piñol, boxing promoter Lito Mondejar at TV5 official Chot Reyes.
“Manny is one of the most inspiring sports icons the Philippines has ever produced so it comes as no surprise that many aspiring boxers wants to follow his footstep. Manny himself was the one who decided to revive the program and take it upon him to personally discover and nurture his possible successor,”ani Piñol.
Isa si Pacquiao sa mga boksingerong natulungan ng blow-by-blow kaya’t nais ng Pinoy boxing champion na muling ibalik ang naturang programa upang makatuklas ng mga baguhang posibleng sumunod sa kanyang yapak.
Darayo ang blow-by-blow sa iba’t ibang lugar sa bansa upang bigyan ng tsansa ang mga amateur boxers na maipamalas ang kanilang husay.
Sisimulan ang blow-by-blow sa Disyembre 13 sa General Santos City kung saan maglalaban-laban ang mga kalahok sa limang dibisyon - flyweight, bantamweight, featherweight, lightweight at welterweight.
Sa loob ng isang taon, ang boksingerong may pinakamaraming naitalang panalo sa bawat dibisyon ang tatanghaling Most Outstanding Boxer. Gagawaran ito ng P50,000 papremyo at tropeo.
Makakatuwang ng mga organizers ang TV5 sa pangunguna nina TV5 President at Chief Executive Officer Noel Lorenzana at TV5 Chairman at sports patron Manny V. Pangilinan, na siyang magsasahimpapawid ng mga laban.
- Latest