DALLAS-- Umiskor si Paul Millsap ng 20 puntos, tampok ang pamatay na jumper sa huling minuto ng labanan para itakas ang Hawks sa 98-95 tagumpay laban sa Dallas Mavericks sa NBA noong Miyerkules.
Nakalubog ang Hawks sa 93-89 may 3:07 na lang ang lalabi nang kumana si Millsap ng four points sa inilargang 7-0 atake para agawin ang trangko.
Matapos ang dalawang free throws ni Jeff Teague sa huling 11.4 segundo, 98-95 pabor sa Hawks, tinangka ni Deron Williams na itabla ang iskor subalit tumalbog lang sa ring ang pinakawalang desperadong triples.
Pinangunahan ni Wiliams ang Mavericks sa kanyang 18 puntos, kasunod ang 11 puntos ni Zaza Pachulia at 17 rebounds.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Hawks sa unang pagkakataon matapos magwakas ang kanilang pitong dikit na pananalasa.
Sa Salt Lake City, sumandig ang Utah sa mahusay na shooting ni Gordon Hayward para ibigay sa Jazz ang 106-85 panalo laban sa New York Knicks.
Sa simula pa lang ay nagpakita ng pagiging agresibo si Hayward sa pagpukol ng 9-for-14 mula sa field, kabilang ang apat na tres, bukod pa ang pagposte ng apat na rebounds at limang assists para sa Jazz.
Itinala ng Jazz ang pinakamalaking kalamangan sa 70-37 iskor sa kaagahan ng third canto na hindi na binitiwan pa.
Naging malamya ang shooting ni Carmelo Anthony ng malimitahan lang sa 12 puntos mula sa 3-for-11 shooting.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Boston Celtics ang Chicago Bulls, 105-100; hiniya ng Charlotte Hornets ang Miami Heat, 99-81; diniskaril ng Houston Rockets ang Washington Wizards, 109-103; giniba ng Toronto Raptors ang San Antonio Spurs,97-94 at lusot ang Memphis Grizzlies sa Detroit Pistons, 93-92.