ANGELES, PAMPANGA, Philippines – Bagama’t awtomatiko nang kasali sa National Finals ng 39th Milo Marathon ay sumalang pa rin si Raphael Poliquit sa qualifying leg sa Davao City noong Nobyembre 8.
Bago ang naturang qualifying leg ay nangako ang tubong Tagum City na si Poliquit na wawasakin niya ang 01:10:00 time barrier ng 21-Kilometer race.
Ngunit biglang naglaho si Poliquit maski ang kanyang anino sa gitna ng nasabing karera.
“Medyo nagkaroon ako ng cramps kaya hindi ko natapos ‘yung qualifying leg sa Davao,” pag-amin ng 26-anyos na miyembro ng Philippine Air Force.
Ang kawalan ng impormasyon kaugnay sa ruta ng Davao leg ang isa sa mga dahilan ng pagkatalo ni Poliquit.
“Hindi ko talaga masyadong napag-aralan ‘yung ruta kaya sa tingin ko kasama na iyon sa naging factor ng cramps ko,” ani Poliquit.
Dahil sa pagkawala sa karera ni Poliquit ay inangkin ni Sonny Wagdos ang 21K Davao leg sa ikalawang sunod na pagkakataon sa kanyang oras na 01:15:25.
“Naging lesson din para sa akin ‘yung huwag mag-underestimate ng ruta at sa mga kalaban,” ani Poliquit.
Tunay nga itong isinaisip ni Poliquit.
Ito ang kanyang ginamit para pagharian ang National Finals ng 38th Milo Marathon dito noong nakaraang Linggo.
Nagposte si Poliquit ng bilis na 02:36:12 bilis para muling angkinin ang korona sa ikalawang sunod na taon.
“Palagi kong iniisip na ang lahat ng paghihirap mo ay mayroong magandang patutunguhan,” ani Poliquit, iniidolo si five-time National Finals champion Eduardo Buenavista. “Kung palagi kang nagte-training at nagdadasal sa Panginoon ay may magandang mangyayari sa buhay mo.”
Dahil sa kanyang pagiging Milo Marathon King ay mabibigyan si Poliquit ng pagkakataong makalahok sa Boston Marathon sa susunod na taon.
“Hindi ko ine-expect na makakakuha ako ng magandang puwesto sa Boston Marathon dahil mas mataas ang level nun, pero gagawin ko ang lahat para sa sarili ko at bilang kinatawan ng bansa natin,” wika ni Poliquit, ayaw matawag na ‘Poliquit Pulikat’.