Cignal bumandera sa Game 3 para sa korona ng Spikers’ Turf
MANILA, Philippines – Naiselyo ng Cignal HD TV ang 25-17, 32-30, 25-23 panalo laban sa Air Force upang maibulsa ang korona ng Spikers’ Turf Season 1-Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan City
Nakakuha ng lakas ang Cignal kay University of Southern Philippines Foundation-Cebu star Edward Ybañez nang pumalo ng 13 puntos para bitbitin ang HD Spikers sa come-from-behind 2-1 win sa serye.
Nanaig ang Air Spikers sa Game One, 25-15, 19-25, 25-19, 25-19, subalit naitabla ng HD Spikers ang serye matapos ilista ang 25-16, 25-17, 25-18 panalo sa Game Two bago tuluyang angkinin ang korona sa Game Three.
Itinanghal na Finals Most Valuable Player si Ybañez.
“It was happy we decided to get him on board,” turan ni Cignal head coach Michael Cariño.
Bukod kay Ybañez, pinuri rin ni Cariño ang kanilang solidong depensa matapos magtala ng kabuuang siyam na blocks tampok ang tatlo mula kay Edmar Bonono.
Umiskor si Bonono ng kabuuang 10 puntos, habang nagdagdag rin ng 10 si Lorenzo Capate Jr. para sa HD Spikers.
Kinatigan ng suwerte sa pagkakataong ito si Ybañez na bigong makakuha ng titulo sa CESAFI.
- Latest