ANGELES, PAMPANGA, Philippines – Habang papatawid ng finish line ay naramdaman na lamang ni Mary Joy Tabal ang pagpatak ng kanyang mga luha sa magkabilang pisngi.
Ito ay hindi para sa katapusan ng kanyang pagod sa pagtakbo o maging ang tatanggapin niyang premyong P300,000.
Ito’y matapos hirangin si Tabal bilang kauna-unahang woman runner na nakakuha ng ‘Grand Slam’ makaraang muling pagreynahan sa pangatlong sunod na taon ang National Finals ng 39th Milo Marathon kahapon dito sa Clark.
“Sobrang saya ko nang mag-cross ako ng finish line. Naiyak pa nga ako eh kasi sobrang pressure ang naramdaman ko before the race,” wika ng 26-anyos na si Tabal.
Nagsumite si Tabal ng tiyempong dalawang oras, 48 minuto at 24 segundo para talunin sina Mary Grace Delos Santos (03:02:21) at two-time National Finals queen Cristabel Martes (03:02:29).
“Ito na ‘yung resulta ng paghihirap ko sa training,” sabi ni Tabal. “Ito pa rin ang gagawin kong pagte-training para sa next year,” dagdag pa ni Tabal.
Ang tanging nakauna kay Tabal ay si Kenyan runner Elizabeth Rumokol (02:43:45) na nagwagi sa Open category.
“Nakauna ako sa kanya (Rumakol) sa unang ikutan kasi may mga kasabay akong mga lalaki at hindi niya ako nakita,” sabi ng Cebuana marathon queen. “Pero sa last 27 kilometer nakita niya ako kaya talagang kinuha niya ang lead sa akin.”
“Kaya ko naman pero dahil sa ulan parang bumigat ‘yung sapatos ko at nagkaroon din ng epekto sa phasing ko,” dagdag pa nito.
Samantala, inangkin naman ni Raphael Poliquit ang kanyang back-to-back National Finals crown nang maglista ng bilis na 02:36:12 para iwanan sina Juneil Languido (02:36:21) at Maclin Sadia (02:37:43).
“Parang lahat ng paghihirap mo sa training, alam mong may patutunguhan,” sabi ng 26-anyos na si Poliquit na nagbulsa ng premyong P300,000. “Hindi ko maipaliwanag ang feeling ko sa pagiging back-to-back National Finals champion ko.”
Dahil sa kanilang pagiging Milo Marathon King at Queen ay mabibigyan sina Poliquit at Tabal ng pagkakataong makalahok sa Boston Marathon sa susunod na taon.
“Ibang level na ‘yon ng marathon. Kumbaga para na siyang Olympics kaya hindi ako mag-e-expect ng mataas kapag sumali ako doon,” ani Poliquit ng Tagum City, Davao Del Norte.
“I still have four months to train kung makakasali ako sa Boston Marathon,” wika ni Tabal. “Ita-try ko na maka-qualify para sa 2016 Olympic Games.”
Ang iba pang nanalo sa kani-kanilang mga dibisyon ay sina Kenyan runners Hilary Kipchumba Kimutai (01:09:27) at Judith Jepchirchir (01:32:56) sa men’s at women’s 21K; sina Richard Salano (00:20:15) at Lovely Joy Cordovilla (00:36:43) sa men’s at women’s 10K; sina Rullit Matin-Aq (00:15:59) at Mary Ann Crishell Perez (00:19:10) sa men’s at women’s 5K; at sina Modrick Cuyom (00:10:18) at Rayya Gwen Abellar (00:12:5) at boys’ at girls’ 3K.