MANILA, Philippines – Puso ang magiging pundasyon upang makamit ang kampeonato sa 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament.
Lalarga ang Game 3 sa pagitan ng Petron at Foton bukas sa Cuneta Astrodome kung saan ang mas determinado at mas uhaw na koponan ang siyang lalabas ng venue bitbit ang maningning na tropeo.
“It all boils down to who will have the desire and the fighting heart to win the crown,” pahayag ni Petron mentor George Pascua na naglalayong dalhin ang kanyang koponan sa ikatlong sunod na korona matapos magkampeon sa Grand Prix at All-Filipino Conference.
Natalo ang kanyang bataan sa Game 1 subalit nakabalik ito sa senaryo matapos kubrahin ang makapigil-hiningang panalo sa Game 2 upang maitabla ang serye.
“Game 3 is not just an ordinary game. This is where heroes are born. We have to seize the opportunity and unleash all our weapons we have to make sure that we will emerge as the last team standing. Nandito na kami, ilalabas na namin lahat ng dapat ilabas,” ani Pascua.
Aminado ang Blaze Spikers na nakaharap sila sa mas matinding pagsubok sa pagkakataong ito malayo sa kanilang magaan na kampanya sa nakalipas na dalawang kumperensiya.
Magugunitang winalis ng Petron ang lahat ng asignatura nito para masungkit ang Grand Prix crown habang binugbog nito ang Shopinas via 2-0 sweep sa kanilang championship series sa All-Filipino Conference.
“This is the most difficult conference for us. That’s why I told the girls to give everything they can to win the crown. Wala ng bukas ito. Kung sino ang mas may puso at mas may desire manalo, siya ang siguradong makakakuha ng titulo,” pahayag pa ni Pascua.