MANILA, Philippines – Ginulantang ng Indonesia ang top seed Spain, 22-20, 23-21 para umabante sa semifinals ng Spike for Peace International beach volley tournament kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nakipagsabayan ang tambalan nina Dini Putu at Juliana Dhita gamit ang kanilang bilis upang patumbahin ang mas matatangkad na Spanish tandem nina Amaranta Fernandez at Ester Ribera sa quarterfinals.
Hawak na sana ng Spain, na siyang tumalo sa Philippines Team A kamakalawa, ang panalo sa unang set, 20-17.
Subalit hindi nawalan ng pag-asa ang Indonesian pair nang pumalo ito ng limang sunod na puntos tampok ang dalawang drop shots ni Dhita at dalawang aces ni Putu para makuha ang naturang yugto.
“We just played as a team,” ani Dhita.
Makakatipan ng Indonesia sa semis ang isa pang powerhouse team Japan na nagrehistro ng magaang na 21-9, 21-11 panalo kontra sa New Zealand.
Sa iba pang quarterfinal game, tinalo ng Brazil ang Netherlands, 21-14, 19-21, 15-12 para masiguro ang tiket sa semis ng torneong inorganisa ng Philippine Sports Commission.
Makakaharap ng Brazil ang magwawagi sa pagitan ng Thailand at Sweden.
Nakatakda ang semis dakong ala-una ngayong hapon.
Ang magkakampeon sa naturang torneo ay magkakamit ng tumataginting na $8,000.