MANILA, Philippines - Asahan ang pukpukang labanan sa pagitan ng University of Santo Tomas at Far Eastern University sa paglarga ng rubber match ng University Athletic Association of the Philippines Season 78 men’s basketball best-of-three championship series ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakatakda ang duwelo ng Growling Tigers at Tamaraws dakong alas-3:30 ng hapon kung saan inaasahang matinding bakbakan ang masasaksihan matapos magdeklara ng giyera ang magkabilang panig.
“Last game na namin ito kaya ibibigay na namin ang lahat. We just need to play as a team tulad ng ginawa namin sa Game 2. Just enjoy the game - yun ang parating sinasabi sa amin ni coach (Bong Dela Cruz),” pahayag ni Kevin Ferrer.
Ang 6-foot-4 small forward ang siyang pangunahing sasandalan ng Growling Tigers matapos ang kanyang ekplosibong 29-point performance tampok ang anim na tres sa 62-56 panalo ng UST sa Game 2 noong Sabado.
Magiging katuwang ni Ferrer ang kapwa beteranong sina Cameroonian Karim Abdul at Ed Daquioag na nagnanais magkaroon ng engrandeng pagtatapos sa kanilang collegiate career habang susuporta rin sina Louie Vigil, Jan Jan Sheriff at Kent Lao.
“Susundin lang namin yung game plan namin. Nasa amin yung momentum kailangan lamang namin i-enjoy ang laro both on defense and offense,” dagdag ni Daquioag.
Pakay ng UST na tuldukan ang kanilang siyam na taong pagkauhaw sa titulo. Huling nagkampeon ang España-based squad noong 2006 nang patiklupin nito ang Ateneo de Manila University sa bisa ng 2-1 panalo sa serye.
Sa kabilang banda, haharap ang FEU tangan ang mas mabangis na mukha dahil naiwasiwas na nito ang masaklap na kabiguang tinamo sa Game 2.
Nais ng FEU na maulit ang kanilang 75-64 panalo sa Game 1 gamit ang tamang formula na siyang magdadala sa kanila tungo sa ika-20 korona.
Kilala ni FEU mentor Nash Racela ang kaniyang bataan at alam nito ang kapasidad ng bawat isa.
“These are veterans and I’m sure they’ll come back stronger,” ani Racela matapos magtala ng mababang 27.12 field goal shooting ang kanyang tropa sa Game 2.
Dominado ng Tamaraws ang rebounding kung saan may average itong 55.5 sa serye kumpara sa 37.0 lamang ng Growling Tigers.
Mamanduhan ang FEU ng beteranong sina Mac Belo, Roger Pogoy at Mike Tolomia kasama sina Prince Orizu, Francis Tamsi at Raymar Jose.
Solido ang ipinakitang laro ni Belo sa Game 1 at Game 2 kung saan may average itong 14.5 points at 12.0 boards habang si Pogoy ay may 13.5 average score.
Masama naman ang laro ni Tolomia na nalimitahan sa pitong puntos - lahat galing sa free throws -matapos ang kanyang 0-of-15 field goald shooting at anim na turnovers.