MANILA, Philippines – Mainit na sinimulan ng defending champion Arellano University ang kampanya nito matapos payukuin ang Colegio de San Juan de Letran, 25-18, 25-12, 25-19 kahapon sa National Collegiate Athletic Association Season 91 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Solidong laro ang ibinigay ng beteranong si CJ Rosario nang magtarak ito ng 17 puntos gayundin si dating Far Eastern University standout Danna Henson na naglista ng 11 puntos para sa Lady Chiefs.
Nagdagdag sina team captain Rialen Sante at Jovielyn Grace Prado ng tig-siyam na puntos habang may walong puntos na nai-ambag si Shirley Salamagos para punan ang pagliban ni Menchie Tubiera na hindi nakapaglaro dahil sa iniindang injury.
Sa ikalawang laro, sumandal ang Emilio Aguinaldo College kay Yvonne Joyce Reyes upang hatakin ang pahirapang 23-25, 25-23, 25-21, 20-25, 15-9 panalo laban sa San Beda College.
Tumapos ng kabuuang 17 puntos si Reyes habang sumuporta si Nergina Pagdanganan na naglista naman ng 14 gayundin si Mikee Ella De Jesus na umiskor ng 11 para sa Lady Generals.
Hindi napakinabangan ang 20 ni Nieza Viray at pinagsamang 24 nina Satrianni Espiritu at Iris Domingo para sa San Beda.
Nakapitan ng Arellano at EAC ang maagang liderato tangan ang parehong 1-0 baraha habang ang Letran at San Beda ay maagang nalugmok sa ibaba ng standings tangan ang 0-1 kartada.