LOS ANGELES — Nagsalpak si Kobe Bryant ng krusyal na three-pointer sa natitirang 11 segundo sa isang one-point game.
Nagdiwang ang Los Angeles Lakers’ crowd dahil sa ginawa ni Bryant.
Matapos ito ay tumira naman si Bryant ng isang kapos na tres sa huling 6 segundo at ang lahat ay natauhan kung bakit handa na ang Lakers’ superstar na iwanan ang basketball matapos ang season.
Humugot si Bryant ng 13 points mula sa masamang 4-of-20 fieldgoal shooting matapos magdesisyon na magreretiro sa pagtatapos ng season.
Ipinatikim ng Indiana Pacers ang ikaanim na sunod na kamalasan ng Lakers sa bisa ng 107-103 panalo.
Ipinakita ni Bryant ang kanyang husay nang magsalpak ng dalawang mahalagang jumpers.
Ngunit hindi niya nagawang sapawan si Pacers’ star Paul George na kumamada ng 11 points sa huling 1:27 minuto para tumapos na may 39 markers.
Ang tres ni Bryant ang nagdikit sa Lakers sa 103-104 agwat sa Pacers, nagtayo ng 22-point lead sa second half.
Nang maibalik ang bola sa Lakers matapos ang basket ni George para sa three-point lead ng Pacers ay tumira ng kapos na tres si Bryant.
Sa likod naman ni George ay nakamit ng Indiana ang kanilang pang-limang sunod na panalo.
Nagtala si Fil-Am guard Jordan Clarkson ng 22 points at career-high na 10 rebounds para sa Lakers.