MANILA, Philippines – Buhay na buhay pa ang nagdedepensang Petron matapos iselyo ang makapigil-hiningang 25-13, 25-21, 23-25, 26-24 panalo laban sa Foton upang maipuwersa ang do-or-die match sa 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament best-of-three championship showdown kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nagliyab ng husto si Brazilian import Rupia Inck na humataw ng 25 puntos upang tulungan ang Blaze Spikers na maitabla ang serye sa 1-1.
Naramdaman din ang lakas nina Dindin Manabat at Aby Maraño na parehong nagrehistro ng 16 puntos kasama ang pinagsamang pitong blocks habang nagdagdag ng siyam na puntos si Rachel Anne Daquis.
“Uhaw ako sa game na ito dahil nung last game, wala ako masyadong bola. Erica (Adachi) trusted me, marami kaming magandang plays this game. But it’s a team effort, tulung-tulong kami para makuha ang panalo,” ani Maraño na dating UAAP Most Valuable Player.
Malaking parte sa panalo ng Petron ang buwis-buhay na depensa ni Jen Reyes na may impresibong 25 digs na karamihan ay mula sa malalakas na palo nina Foton imports Katie Messing at Lindsay Stalzer. Naglista rin ang dating National University libero ng 12 receptions.
Lumabas din ang malalim na karanasan ni Adachi na gumawa ng 32 excellent sets at dalawang aces.
Ang Tornadoes ay nakahugot ng 23 puntos mula kay Stalzer at tig-11 buhat kina Messing at Jaja Santiago subalit hindi ito sapat matapos ang ilang krusyal na hitting errors sa huling bahagi ng laro.
Lalarga ang Game 3 sa Sabado dakong ala-una ng hapon sa parehong venue.
“Marami pa kaming dapat i-improve sa Game 3. Mas palalakasin pa namin yung blockings at floor defense namin pati yung service namin. Kailangan rin naming maglaro as one team. Kailangan naming magperform, show out individual talents para makapag-contribute sa team,” dagdag ni Marano.
Gigil na sinimulan ng Petron ang laban upang ibaon ang Foton sa 2-0.