MANILA, Philippines – Lumasap ng kabiguan ang tambalan nina Daika Gendrauli at Norie Jane Diaz ng Philippines Team B sa kamay ng beteranong sina Karin Lundqvist at Anne-Lie Rinisland ng Sweden, 13-21, 16-21 sa pagsisimula ng Spike for Peace indoor beach volley tournament sa Philsports Arena sa Pasig City.
Matapos ang mabagal na panimula, matapang na hinarap nina Gendrauli at Diaz ang kanilang karibal sa second set nang ilista nito ang 9-2 kalamangan.
Subali’t makabalik sa porma ang Swedish pair para unti unting makadikit at maitabla pa ang iskor sa 16-all.
Mula dito, nagpakawala ng malalakas na atake sina Lundqvist at Rinisland upang tuluyang pigilan ang pagtangka nina Gendrauli at Diaz na siyang reigning Philippine Super Liga beach volley champions..
Pinuri nina Lundqvist at Rinisland ang magandang inilaro ng Pinay duo sa torneong nilahukan ng 14 koponan mula sa 12 bansa.
Sa iba pang resulta, nagtala ng pambuenamanong panalo ang United States at Netherlands sa event na inorganisa ng Philippine Sports Commission.
Wagi ang Amerikanang sina Jennifer Snyder at Emily Jo Stockman laban kina Alezandra Mowen at Jordan Mowen ng Australia A, 21-23, 21-13, 15-0 habang nanaig sina Rosanna Van Der Hoeven at Gabrielle Ilke ng Netherlands kontra kina Becchara Palmer at Sarah Battagiene ng Australia B, 22-20, 21-17.
Nakatakdang harapin nina Charo Soriano at Alexa Micek ng Philippines Team A sina Varapatsorn Radarong at Tanarattha Udomchavee ng Thailand habang sinusulat ito.
Samantala, pinamunuan ni PSC chairman Richie Garcia ang ceremonial serve kasama sina Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. vice president Peter Cayco, PSL head Ramon Suzara at Shakey’s V-League official Ricky Palou.