MANILA, Philippines – Nakuntento na lamang sina Filipino boxers “King” Arthur Villanueva at Milan Melindo sa split decision victories kontra sa kanilang mga hinarap sa main card ng Pinoy Pride 34 noong Sabado ng gabi sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City.
Tinalo ni Villanueva, nanggaling sa kabiguan kay McJoe Arroya sa isang IBF super flyweight title match, si Mexican Victor Mendez mula sa nakuhang 116-112 at 117-111 puntos sa dalawang judges.
Ang ikatlong judge ay nagbigay kay Mendez ng 115-113.
Itinaas ni Villanueva ang kanyang ring record sa 28-1 ngunit nabigong mapabagsak si Mendez na inaabangan ng kanyang mga kababayan.
Sa kabila nito ay nakuha pa rin ni Villanueva ang bakanteng WBC international super flyweight title.
Nalusutan naman ni Melindo ang matinding hamon ni Mexican Victor Emmanuel Olivo bago maitakas ang split decision, 94-96, 96-94 at 96-94 sa kanilang flyweight bout.
Walang alam si Melindo tungkol kay Olivo na naging late replacement para kay Carlos Fontes.
Nakabangon si Melindo mula sa isang technical decision loss kay Javier Mendoza, may 33-2 record ngayon, noong Mayo.
Samantala, pinatulog naman ni AJ Banal si Emilio Norfat sa second round, habang pinatigil ni Rocky Fuentes si Indonesian Afrizal Tamboresi sa second round ng kani-kanilang eight-round bout.