MANILA, Philippines – Tatangkain ng Foton na mawalis ang serye upang tuldukan ang dominasyon ng Petron sa paglarga ng Game 2 ng Philippine Superliga Grand Prix best-of-three championship series ngayong hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Magsisimula ang paluan dakong alas-4 ng hapon kung saan inaasahang haharurot ang Tornadoes para masungkit ang kanilang unang titulo sa liga na suportado ng Asics, Milo, Senoh, Mikasa, Mueller at TV5.
Nagsanib-puwersa sina American imports Lindsay Stalzer at Katie Messing kasama si national team mainstay Jaja Santiago upang hugutin ng Tornadoes ang 14-25, 25-21, 25-19, 25-22 panalo laban sa Blaze Spikers sa Game 1.
Magugunitang ang Tornadoes din ang sumorpresa sa Lady Slammers sa semifinals upang maisaayos ang pakikipagtuos sa Blaze Spikers sa finals.
Sa kabila ng mataas na lebel na ipinapakita ng kanyang bataan, wala pa rin sa isip ni Foton head coach Vilet Ponce-De Leon na maging kampante hanggang hindi natatapos ang serye.
“The job is not yet done. We’re not yet ready to relax. We’re just one win away. If we need to double our effort in Game 2, we will gladly do it,” ani Ponce-De Leon na dating miyembro ng Petron coaching staff.
Maliban sa troika nina Stalzer, Messing at Santiago, magiging malaki ang tungkulin ni Ivy Perez na siyang gagawa ng plano kung paano lilinlangin ang depensa ng Petron.
Tutulong din si middle blocker Angeli Araneta at libero Bia General sa depensa ng Tornadoes.
“We were down at the start, but we regrouped and overcame all the obstacles. We just have to keep on working because fairy tales do come true,” dagdag ni Ponce-De Leon.
Sa kabilang banda, umaapoy ang mga mata ng Blaze Spikers na naglalayong makahirit ng do-or-die game.
Sinabi ni Petron coach George Pascua na walang babaguhin sa kanilang laro. Kailangan lang aniyang malimitahan ang kanilang pagkakamali upang hindi maulit ang nangyari sa Game 1.
“Same pa rin and plano, we just have to lessen our unforced errors and those small things that doomed our chances in Game 1,” ani Pascua. “Foton has a very tall frontline, but I know we can neutralize it similar to what we did in the first set of Game 1. The team promised to do its best, I told them that it doesn’t matter how we start, what matters most is how we will finish (the series).”
Dadalhin ang Petron nina Dindin Manabat, Aby Maraño, Ces Molina at Rachel Anne Daquis katuwang sina Brazilian imports Rupia Inck and Erica Adachi.