Shakey’s V-League Finals hahataw ngayon Army pahihirapan ng PLDT

Laro Ngayon

 (The Arena, San Juan)

12:45 p.m. PLDT vs  Army (Finals)

3 p.m. Navy vs UP

(Battle for third)

 

MANILA, Philippines – Muling masisilayan ang matitinding pukpukan sa pagitan ng PLDT Home Ultera at Army sa paglarga ng Game 1 ng Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference best-of-three championship showdown ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.

Magtutuos ang Ultra­fast Hitters at Lady Troo­pers sa alas-12:45 ng hapon.

Lamang na lamang ang PLDT sa pagkakataong ito tampok ang dalawang American imports na sina Sareaa Freeman at Victoria Hurtt na kapwa naglaro sa US NCAA Division I.

Dagdag lakas pa ang pagbabalik-aksiyon ni two-time University Athletic Association of the Philippines Most Valuable Player Alyssa Valdez na tiyak na magpapasabog ng malalakas na palo sa front man o sa back row.

Nakalinya rin para sa Ultrafast Hitters ang dating Cagayan Valley standouts na sina Aiza Pontillas at Janine Marciano gayundin ang multi-titled setter na si Rubie De Leon.

“Mas lamang sa experience ang Army dahil matagal na silang magkakasama sa one team. Yung sa amin, hindi pa masyadong solido dahil kapapasok lang ng dalawa naming imports plus si Aly na ngayon lang ulit magla­laro,” ani PLDT head coach Roger Gorayeb.

Hindi naman basta- basta susuko ang Army na handang ilabas ang lahat ng kanyon nito para wasakin ang matinding depensang ilalatag ng PLDT.

Krusyal ang magiging parte ng setter na si Tina Salak dahil kailangan nitong makaisip ng taktika kung paano palulusutin ang atake ng kanyang mga katropa sa pamumuno nina Jovelyn Gonzaga,  Aby Maraño, Honey Royse Tubino at Mary Remy Joy Palma.

Nakapasok sa finals ang Ultrafast Hitters ng gapiin nito ang University of  the Philippines Lady Maroons, 25-11, 25-17, 25-17, habang ang Lady Troopers ay namayani kontra naman sa Navy Lady Sailors, 25-16, 25-10, 25-22.

Maghaharap sa alas-3 ng hapon ang UP at Navy sa kanilang battle-for-third match.

Show comments