MANILA, Philippines – Muling mabibigyan ng pagkakataon ang mga Pinoy fans na masilayan ang mahuhusay na tennis players sa mundo sa gaganaping International Premier Tennis League (IPTL) sa Disyembre 6 hanggang 8 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hahataw ang Philippine Mavericks sa pangunguna ni Women’s Tennis Association (WTA) World No. 1 Serena Williams sa torneong suportado ng PLDT HOME Fibr.
Ang Manila Leg ay bahagi ng five-nation tour na magsisimula sa Disyembre 2 sa Kobe, Japan.
Darayo rin ito sa New Delhi sa India, Dubai sa United Arab Emirates at sa Singapore.
Kilala bilang ‘Meka’ at ‘Momma Smash’, inaasahang ilalabas ni Williams ang kanyang malalim na karanasan para dalhin ang Mavericks sa panalo.
May 34 titulo si Williams sa Grand Slam tournaments kung saan hawak nito ang kasalukuyang korona sa Australian Open, French Open at Wimbledon.
Makakasama ni Williams sa Mavericks sina Mixed Doubles Grand Slam titleholder Richard Gasquet, Wimbledon Championships WTA titleholder Lisicki, 2013 Australian Open Mixed Doubles titleholder Jarmila Gajdosova, ang pinakabatang manlalaro sa Association of Tennis Professionals (ATP) Top 100 na si Borna Coric, ATP World Tour Doubles titleholder at Pinoy pride Treat Huey at World No. 8 sa men’s singles at Mavericks Team captain na si Mark Philippoussis.