MANILA, Philippines – Ibubuhos ng University of Santo Tomas ang kanilang buong lakas sa Game Two upang makahirit ng ‘do-or-die’ game laban sa Far Eastern University sa 78th UAAP men’s basketball championship series.
Sa kabila ng tinamong 75-64 kabiguan sa Game One ay nakataas pa rin ang noo ng mga Growling Tigers at nanatiling taglay ang bangis sa kanilang mga mata.
Walang pagod na nararamdaman sina Cameroonian Karim Abdul, Kevin Ferrer at Ed Daquioag na handang ibigay ang lahat upang maging maganda ang pagtatapos ng kanilang collegiate career.
“It was a great game. I knew before the game that it would come up with the breaks of the game. I think overall, we played well,” ani Abdul na umiskor ng 19 puntos.
Tinukoy ni Ferrer ang rebounding department sa isa sa pumatay sa kanila kung saan tanging 32 boards lamang ang nasakmal ng Growling Tigers kumpara sa 56 ng Tamaraws.
“Nakita namin sa Game 1 na talo talaga kami sa rebound kaya kailangan naming i-work out ito,” sabi ni Ferrer.
Masama naman ang loob ni Daquioag sa kanyang masamang laro sa Game 1 matapos magtala ng 4 points.