Laro Ngayon (Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Alaska vs NLEX
7 p.m. Rain or Shine vs Barako Bull
MANILA, Philippines – Aminado si Alaska coach Alex Compton na isa na namang ‘acid test’ ang kanilang dadaanan sa pagsagupa sa mainit na NLEX.
Nanggaling ang Aces sa 107-102 panalo laban sa Star Hotshots noong nakaraang Martes kung saan nakatulong sa kanila ang dalawang mintis ni two-time PBA Most Valuable Player James Yap sa krusyal na bahagi ng fourth quarter.
Ang layup ni Cyrus Baguio sa huling 7.4 segundo ang sumelyo sa naturang ikalawang sunod na panalo ng Alaska.
Target na masolo ang liderato, lalabanan ng Aces ang Road Warrios ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang upakan ng Rain or Shine Elasto Painters at ng Barako Bull Energy sa alas-7 ng gabi sa 2015 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
“We had a couple of late game transition buckets that really helped us,” sabi ni Compton sa nasabing panalo ng Alaska sa Star para makasosyo sa liderato ang nagdedepensang San Miguel sa magkatulad nilang 5-1 baraha.
Nakamit naman ng NLEX ang kanilang pangalawang dikit na ratsada nang itakbo ang 93-91 panalo laban sa Meralco noong Martes.
“I told the boys that we have to be consistent. Hopefully, we’ll address our consistency and hopefully our offense will just come in,” wiika ni mentor Boyet Fernandez sa kanyang Road Warriors.
Babanderahan nina Casio, Cyrus Baguio, Calvin Abueva, Sonny Thoss, Vic Manuel at Dondon Hontiveros ang Alaska laban kina Anthony, Asi Taulava, Jonas Villanueva, Kevin Alas at Chico Lanete ng NLEX.
Sa ikalawang laro, hangad naman ng Rain or Shine ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa pagharap sa Barako Bull.
Umiskor ang Elasto Painters ng 103-81 panalo kontra sa Blackwater Elite noong nakaraang Sabado.
Sa naturang panalo ng Rain or Shine ay kumolekta si sophomore guard Jericho Cruz ng career-high na 23 points, 3 assists, 2 rebounds at 1 steal.