Laro Ngayon (Cuneta Astrodome)
4 pm Foton vs Petron
MANILA, Philippines – Handang-handa na ang Petron na ipagtanggol ang kanilang titulo sa pakikipagtuos nito sa Foton sa Game 1 ng kanilang 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix best-of-three championship series ngayong hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Papalo ang duwelo ng Blaze Spikers at Tornadoes dakong alas-4 ng hapon kung saan pakay ng una na maibulsa ang kanilang ikatlong sunod na kampeonato sa event na iprinisinta ng Asics at suportado ng Milo, Senoh, Mueller, Mikasa at TV5.
Bahagyang liyamado ang Blaze Spikers na nagtataglay ng solidong lineup sa pangunguna nina Dindin Manabat, Rachel Anne Daquis, Aby Maraño at Ces Molina kasama pa ang malalim na karanasan nito matapos sumabak sa AVC Asian Women’s Club Championship sa Vietnam may dalawang buwan na ang nakalilipas.
Dalawang ulit ring tinalo ng Petron ang Foton sa eliminasyon bago gapiin ang Cignal sa semifinals.
Ngunit aminado si Petron coach George Pascua na hindi magiging madali ang kanilang tatahaking daan upang mapanatili ang korona sa kanilang teritoryo. “Pinakamahirap kalaban ang Foton,” ani Pascua.
Inaasahang ibubuhos ng Petron ang buong lakas nito dahil manonood ang deputy managing director ng Thai-based SMMTV na si Prajaya Chaiyakam upang matantiya ang lebel ng bakbakan sa naturang liga.
Personal ring iimbitahan ni Chaiyakam ang PSL sa pamamagitan nina league president Ramon “Tats” Suzara at chairman Philip Ella Juico upang lumahok sa three-nation tournament sa Bangkok na gaganapin sa susunod na taon.
Sa kabilang banda, sinabi ni Foton coach Villet Ponce-de Leon na mahirap kalabanin ang Petron kung saan tinukoy nito sina setter Erica Adachi at Rupia Inck, na matagal nang magkasama sa Brazilian national junior team, sa mga magpapahirap sa kanilang kampanya.
Ang magkakampeon sa edisyong ito ang siyang kakatawan sa bansa sa AVC Asian Club Championship sa Manila.