Laro sa Disyembre 6 (The Arena, San Juan)
5 p.m. Cignal HD TV vs Air Force
MANILA, Philippines – Matamis ang ginawang pagresbak ng Cignal HD TV nang ilista ang impresibong 25-16, 25-17, 25-18 panalo laban sa Air Force upang maipuwersa ang do-or-die game sa Spikers’ Turf Season 1-Reinforced Conference na iprinisinta ng PLDT Home Ultera kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Halimaw ang ipinamalas na laro ni Edmar Bonono nang umiskor ito ng 19 puntos tampok ang 15 malulupit na atake para pamunuan ang HD Spikers.
Naitabla ng Cignal ang best-of-three title series sa 1-1 kung saan gaganapin ang Game 3 sa Disyembre 6.
Wagi ang Air Force sa Game 1, 15-25, 25-19, 19-25, 19-25.
“We were a little lousy in Game One that’s why we made some adjustments in our attacking game, which ended up working well,” ani Cignal coach Michael Carino.
Nakatuwang ni Bonono si Lorenzo Capate Jr. na nagsumite ng 12 puntos habang nagdagdag si Herschel Ramos ng 11 puntos.
“We knew for us to have a chance, we need to get everybody involved and we did that successfully on this game,” sambit pa ni Cariño.
Naging matibay na armas ng HD Spikers ang solidong depensa sa net para pigilan ang ilang pagtatangka ng kanilang karibal kung saan nalimitahan ang Air Force top spiker na si Jeffrey Malabanan sa 10 puntos.
Nagkasya rin sa pinagsama-samang 18 puntos ang power-hitters na sina Rodolfo Labrador, Reyson Fuentes at Ruben Inaudito. Umiskor ng kabuuang 12 blocks ang Cignal - anim rito ay mula kay Ramos.
“We need to improve more on our defense, we rely too much on our libero (Sandy Domenick Montero),” ani Cariño.
Sa unang laro, nalusutan ng PLDT Home Ultera ang Navy 29-31, 25-20, 25-21, 25-15 para angkinin ang thrid-place trophy.