MANILA, Philippines – Asahan ang matinding pukpukan sa pagitan ng reigning champion Petron at Foton sa pagsisimula ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women's volleyball tournament best-of-three finals series bukas sa Cuneta Astrodome.
Naniniwala ang mga ilang coaches sa liga na malaki ang magiging parte ng karanasan at tangkad sa magiging resulta ng bakbakan ng Petron at Foton na parehong nagtataglay ng matikas na lineup.
Ayon kay Philips Gold coach Francis Vicente, lamang ang Tornadoes sa serye dahil mamanduhan ito ng American imports na sina Katie Messing at Lindsay Stalzer kasama pa ang national team mainstay na si Jaja Santiago.
Nakita ang solidong depensa ng Tornadoes sa semifinals laban sa Lady Slammers kung saan halos hindi makalusot sa pinagsanib na puwersa nina Messing at Santiago ang atake nina Philips Gold stars Bojana Todorovic at Myla Pablo.
Malulutong na palo rin ang pinakawalang ni Stalzer sa fifth set para dalhin ang kanyang koponan sa 25-18, 26-24, 18-25, 20-25, 15-8 panalo.
Maliban sa tatlong six-footers, gumaganda rin ang laro nina setter Ivy Perez, power-hitting Patty Orendain, at ang libero na sina Bia General at Kara Acevedo.
Sa kabilang panig, naniniwala si Cignal coach Sammy Acaylar na liyamado ang Petron.
Tinukoy ni Acaylar ang malalim na karanasan ng Petron na nagkampeon na sa dalawang edisyon ng liga.