Titulo sa Spikers’ Turf kukunin na ng Raiders
MANILA, Philippines – Aasintahin ng Air Force ang korona kaya’t isang malakas na puwersa ang inaasahang ilalatag nito laban sa Cignal HD TV sa Game 2 ng kanilang best-of-three championship series sa Spikers’ Turf Season 1-Reinforced Conference na iprinisenta ng PLDT Home Ultera sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang duwelo ng Raiders at HD Spikers dakong alas-3 ng hapon.
Nais ng Raiders na madugtungan ang kanilang impresibong 25-15, 19-25, 25-19, 25-19 panalo kontra sa HD Spikers sa Game 1 noong Sabado.
“We’re going for the win but we expect them (Cignal) to make some adjustments,” sambit ni Air Force coach Rhovyl Verayo.
Sa katunayan, walong manlalaro lamang ang nasa lineup ng Air Force sa pangunguna ni Jeffrey Malabanan na bumanat ng 17 hits sa Game 1.
Solido rin ang kontribusyon nina Rodolfo Labrador, Reyson Fuentes, Ruben Inaudito at Edwin Tolentino na nagrehistro ng pinagsama-samang 41 puntos para sa balanseng atake ng Raiders na nakakuha rin ng 11 kabuuang blocks laban sa apat lamang ng Cignal.
Ibubuhos naman ng Cignal ang buong lakas nito upang makahirit ng do-or-die game.
Babanderahan ang HD Spikers nina Edmar Bonono at Lorenzo Capate na kumana ng kabuuang 30 puntos sa kanilang huling laro ngunit mangangailangan ang mga ito ng sapat na suporta para pigilan ang tangkang pagwalis ng Air Force sa serye.
Samantala, haharapin ng PLDT Home Ultera ang Navy sa Game 2 ng battle-for-third na lalaruin dakong ala-1 ng hapon.
- Latest