DENVER – Sino ba ang nagbibilang?
Ito ay ang nagdedepensang Golden State Warriors na nakalapit sa paggawa ng NBA history.
Umiskor si Klay Thompson ng 21 points at pinantayan ng Warriors ang best start sa NBA history matapos talunin ang Denver Nuggets, 118-105 noong Linggo.
“It’s kind of a quiet confidence that we don’t feel like we’re going to lose anytime soon,” sabi ni MVP Stephen Curry. “The way we’re playing ... we can get even better.”
Tumapos si Curry na may 19 points na unang pagkakataon na hindi siya umabot sa 20 markers.
Ibinandera ngayon ng Warriors ang 15-0 kartada.
Dinuplika ng Golden State ang 15-0 start ng Washington Capitols noong 1948-1949 at ng Houston Rockets noong 1993-1994.
Maaaring wasakin ng Warriors ang naturang record kung muling mananalo sa Los Angeles Lakers.
“It’s a huge accomplishment,” wika ni Curry sa kanilang best start. “Obviously, coming off a championship and taking care of business 15 straight times to start the season - couldn’t ask for a better start,” dagdag pa nito.
Tumipa si Thompson ng isang 3-pointer sa huling 2:08 minuto sa second quarter at hindi na nilingon ng Golden State ang Denver.
Ang mga reserves ang nagtala ng mala- king bentahe kaya naipahinga nang husto si Curry sa kabuuan ng fourth quarter.
Nagtala naman si Darrell Arthur ng 21 points para sa Nuggets, natikman ang ikatlong sunod na kamalasan.
Sa Oklahoma City, tumapos si Russell Westbrook ng 31 puntos at 11assists tampok ang dalawang krusyal na basket sa huling 63 segundo ng labanan para iahon ang Thunder at matakasan ang Dallas Mavericks sa 117-114 pagwawagi.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Brooklyn Nets ang Boston Celtics, 111-101; binigo ng New Orleans Pelicans ang Phoenix Sons, 122-116; dinaig ng Portland Trail Blazers ang Los Angeles Lakers, 107-93 at pinadapa ng Toronto Raptors ang Los Angeles Clippers, 91-80.