Bulls ika-14 biktima ng Warriors

Nagdiwang ang Golden State Warriors sa pangunguna ni MVP Stephen Curry nang igupo ang Chicago Bulls para sa ika-14 sunod na ratsada sa NBA.

OAKLAND, California – Kumamada si Stephen Curry ng 27 points para ihatid ang nagdedepensang Golden State Warriors sa 106-94 pagdaig sa Chicago Bulls at makalapit sa pagduplika sa best start sa NBA history.

Nag-ambag si Harrison Barnes ng 20 points at 9 rebounds para tulungan ang Warriors sa pagtatala ng 14-0 kartada.

Ipinoste rin ng Golden State ang kanilang franchise-record na 26-game home winning streak.

Ang Chicago ang pina­kahuling koponan na nanalo sa Oracle Arena noong Enero sa nakaraang regular season.

Naduplika ng Warriors ang 14-0 record ng Boston Celtics noong 1957-58.

Ang Golden State ang isa sa limang koponan sa NBA history na naglista ng 14-0 panimula at pipiliting makamit ang kanilang ika-15 sunod na panalo sa pagsagupa sa Denver Nuggets bukas.

Kung tatalunin ng Golden State ang Denver para sa kanilang 15-0 baraha ay may pagkaka­taon silang basagin ang record kung mananaig laban sa Los Angeles La­kers sa Miyerkules.

Ang Washington Capitols noong 1948-49 at ang Houston Rockets noong 1993-94 ang dalawa pang koponang naglista ng 15-0 start.

Show comments