Cavs nakabangon; Warriors ‘di maawat
CLEVELAND-- Umiskor si LeBron James ng 27 points, habang nagdagdag si Kevin Love ng 22 points at 15 rebounds para tulungan ang Cavaliers sa 115-100 pagpapatumba sa Milwaukee Bucks sa NBA noong Huwebes.
Tinapos ng Cleveland ang kanilang two-game losing skid at nakabawi sa double-overtime loss sa Milwaukee noong nakaraang Sabado.
Kasalukuyang bumabandera ang Cavaliers sa Eastern Conference sa dalang 9-3 baraha.
Kumamada naman si Giannis Antetokounmpo ng career-high 33 points para sa Milwaukee na nakabangon mula sa 21-point deficit sa second quarter para makalapit sa 79-84 agwat sa third period.
Tinulungan ni Anderson Varejao, tumapos na may 9 points, ang Cleveland na itayo ang 97-84 bentahe, habang tumipa si James ng 6 points at kinumpleto ni Love ang isang three-point play para selyuhan ang panalo ng Cavaliers sa Bucks.
Nagdagdag si J.R. Smith ng 18 points para sa Cleveland.
Nagtala si Antetokounmpo ng 12 of 15 fieldgoal shooting at may 8-of-8 clip sa free throw line sa panig ng Milwaukee na nakahugot kay Greg Monroe ng 17 points kasunod ang 15 ni Khris Middleton.
Sa Los Angeles, tumapos si Stephen Curry ng 40 points at umahon ang Golden State mula sa 23-point, first-half deficit upang igupo ang Clippers, 124-117 at itala ang ika-13th sunod na panalo para sa kanilang magandang simula ngayong season.
Nag-ambag si Klay Thompson ng 25 points para sa Warriors, isa sa apat na team sa NBA history na nakapagtala ng 13-0 sa pagsisimula ng season. Ang defending champion ay may 6-0 na sa road games.
Sa Miami, dinaig ng Heat ang Sacramento Kings, 116-109, para sa kanilang pang-pitong panalo.
- Latest