Laro Ngayon
(Imus Sports Center,
Imus City, Cavite)
1 p.m. Philips Gold
vs Cignal
3 p.m. RC Cola-Air Force vs Meralco
MANILA, Philippines – Dahil nabigo sa kanilang mga do-or-die semifinals matches kamakalawa ay tatargetin na lamang ng Philips Gold at Cignal ang third place trophy.
Sasagupain ng Lady Slammers ang HD Spikers ngayong ala-1 ng hapon sa classification phase ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament sa Imus Sports Center.
Tumayong No. 1 team ang Philips Gold matapos ang double-round eliminations bago pinatumba ng Foton, 25-18, 26-24, 25-20, 15-8, sa kanilang do-or-die semifinals.
Dinaig naman ng nagdedepensang Petron ang Cignal, 25-20, 26-24, 20-25, 25-13 sa isa pang semifinals match.
Maglalaban ang Blaze Spikers at Tornadoes sa best-of-three championship series sa Lunes.
“It was such a sorry loss,” sabi ni Lady Slammers’ coach Francis Vicente.
Sina imports Bojana Todorovic at Alexis Olgard bukod pa kina Filipino-American setter Lindsay Dowd, Myla Pablo, Michelle Gumabao at libero Mel Gohing ang muling ibabandera ng Philips Gold.
Sa alas-3 ng hapon ay paglalabanan naman ng RC Cola-Air Force Raiders at Meralco Power Spikers ang fifth place trophy sa inter-club tournament na inihahandog ng Asics at suportado ng Milo, Senoh, Mueller at Mikasa bilang technical partners at TV5 bilang official broadcaster.