Philippine Azkals 3rd na lang ang habol
MANILA, Philippines – Tuluyan nang napatalsik sa kontensiyon ang Philippine Azkals makaraang umiskor ng magkahiwalay na panalo ang North Korea at Uzbekistan sa kanilang agawan sa liderato sa Group H noong Martes ng gabi sa 2015 FIFA World Cup Qaulifiers.
Hiniya ng North Koreans ang Bahrain, 2-0 para mapanatiling hawak ang liderato taglay ang 16 puntos sa Kim II Sung Stadium sa Pyongyang.
Kinana nina Pak Kwang Ryong at Jong II-Gwan ang nasabing puntos para pamunuan ang Chollima sa ikalimang panalo matapos ang isang draw at isang kabiguan.
Samantala, nalusutan ng Uzbeks ang Yemen, 3-1 at manatiling nakadikit sa North Korea sa kanilang naipong 15 puntos.
Sumandig ang Uzbekistan kina Azizbek Haydarov, Server Djeparov at Stabislav Andreev para sa naturang panalo na nagpa-lakas ng kanilang kartada sa 5-0-1.
Ang mga panalong ito ay nagkaroon ng malaking epekto sa kampanya ng Azkals na kasalukuyang nasa ikatlong posisyon at kahit manalo pa sila sa huling dalawang laro kontra North Korea at Uzbekistan ay wala na rin itong saysay para makaahon sa Top 2 matapos malasap ang 0-2 pagkatalo sa mga kamay ng Yemen noong nakaraang Linggo sa Manila na naglubog sa Pinoy booters sa pitong puntos (2-1-3).
Katunggali ng Azkals ang Bahrain na may 6 puntos sa No. 3 slot sa Group H na maggagarantiya ng tiker sa third round ng AFC Asian Cup Qualifiers.
- Latest