OAKLAND, California – Inihatid ni Stephen Curry ang nagdedepensang Golden State Warriors sa kanilang ika-12 sunod na panalo sa season matapos umiskor ng 37 points sa 115-110 panalo laban sa Toronto Raptors.
Nagdagdag si Klay Thompson ng 19 kasunod ang 13 ni Andrew Bogut para sa Warriors, nasa kanilang pinakamagandang simula matapos ang 14-0 start ng Dallas Mavericks noong 2002-03.
Tatlong panalo na lamang ang kailangan ng Golden State para mapantayan ang NBA record na 15-0 na itinala ng 1948-49 Washington Capitols at ng 1993-94 Houston Rockets.
Hindi naging madali ang panalo ng Wizards matapos makabangon ang Raptors mula sa 18-point deficit para makadikit sa isang puntos sa dulo ng fourth quarter.
Ngunit natawagan si Kyle Lowry ng offensive foul at nagsalpak si Curry ng dalawang free throws para selyuhan ang tagumpay ng Golden State.
Umiskor sina Lowry at DeMar DeRozan ng tig-28 points para sa Raptors, naipatalo ang lima sa kanilang pitong laro matapos ang 5-0 start.
Lumaban ang Toronto at nakalapit sa pamamagitan ng foul line at nakamit nila ang unang bentahe sa second half mula sa dalawang free throws ni Lowry sa gitna ng fourth period.
Naitabla ni Bogut ang Golden State buhat sa alley-oop galing kay Draymond Green.
Nang makagawa ang Raptors ng turnover ay tumipa si Curry ng kanyang pang-limang 3-pointer para sa 101-98 bentahe ng Warriors.