CHICAGO – Sa pag-kaubos ng mga segundo ay nagkatinginan ang may hawak ng bola na si Paul George at ang bantay niyang si Jimmy Butler.
Nang lumundag si George para sa isang potensyal na winning shot ay hindi siya iniwanan ni Butler.
Umiskor si Butler ng 17 points at nagawang puwersahin si George na maimintis ang tirang ito para selyuhan ang 96-95 panalo ng Bulls laban sa Indiana Pacers.
Dinepensahan ni Butler ang mahirap na fadeaway shot ni George kasabay ng pagtunog ng final buzzer para sa ikatlong sunod na panalo ng Bulls
Tumipa si Derrick Rose ng 23 points mula sa 9-for-18 shooting para sa Chicago, ngunit nagkaroon ng sprained left ankle sa huling anim na minuto ng laro.
Nagdagdag naman si Doug McDermott ng 11 points.
Tumapos si George na may 26 points sa panig ng Indiana, habang may 20 si Monta Ellis at 19 si C.J. Miles na kumamada ng limang 3-pointers.
Nag-ambag sina Jordan Hill at Ian Mahinmi ng tig-12 rebounds.
Matapos kumuha ng charging foul si George kay Tony Snell sa huling 1:02 minuto ay umiskor naman si Ellis para idikit ang Indiana sa 95-96.
Sa Phoenix, tumipa si Brandon Knight ng 30 points, 15 assists at 10 rebounds para sa una niyang career triple-double at tinalo ng Suns ang Los Angeles Lakers, 120-101.
Nagdagdag si Eric Bledsoe ng 21 points kasunod ang 19 ni T.J. Warren para sa Suns.
Naglista naman si Fil-Am Jordan Clarkson ng 20 points sa tropa ng Lakers na naglaro nang wala si All-Star guard Kobe Bryant.