TOKYO – Patuloy ang mainit na ratsada ng Philippine Swimming League (PSL) matapos sumisid ng walong ginto, isang pilak at limang tansong medalya sa 2015 Japan Invitational Swimming Championship na ginaganap sa Tokyo International Swimming Pool dito.
Pinangunahan nina Charize Juliana Esmero ng University of the Philippines Integrated School at Rio Lorenzo Malapitan ng Divine Word College-Mindoro ang pamamayagpag ng koponan nang kumana ng tig-dalawang gintong medalya.
Hindi nagpaawat si Esmero sa girls’ 11-12 nang kubrahin ang ginto sa 100-meter backstroke sa tiyempong isang minuto at 9.84 segundo kasunod ang matamis na pagsungkit sa ginto sa 200m Individual Medley sa bisa ng impresibong 1:15.02.
Hataw din si Malapitan sa boys’ 11-12 50m breaststroke sa naitalang 37.38 segundo kasunod ang pamamayagpag sa 100m breaststroke sa oras na 1:22.98.
Nagdagdag pa ng tanson si Malapitan sa 50m freestyle (30.74).
Nakasiguro rin ng ginto sina Sean Terence Zamora ng University of Santo Tomas at Angela Claire Torrico ng School of Holy Spirit of Quezon City.
Nangibabaw ang 15-anyos na si Zamora sa boys’ 15-18 years 100m backstroke (1:01.68) at si Torrico ang nanguna sa girls’ 9-10 100m backstroke (1:37.12).
Kumana pa ng dalawang ginto ang Pinoy squad sa relay event kung saan winalis nina Torrico, Micaela Jasmine Mojdeh, Kyla Soguilon at Joanna Cervas ang dalawang gintong nakataya (girls’ 9-10 200m freestyle relay at 200m medley relay).
Ang pilak na medalya ay buhat kay Zamora sa 200m IM (2:14.38) at ang tanso ay galing kina Torrico 200m IM (1:29.57), Zamora 200m freestyle (2:06.87), Lans Rawlin Donato (boys’ 15-18 50m freestyle, 25.27) at Paul Christian King Cusing (boys’ 15-18 100m backstroke, 1:04.68).
“The kids are pumped up and extra motivated since they are competing against the some of the best swimmers. Iyong ibang mga kasali dito galing sa competition sa FINA World Cup kaya talagang malalakas ang mga kalaban,” pahayag ni PSL President Susan Papa.
Sa kabuuan, mayroon nang 13 ginto, 4 pilak at 10 tansong medalya ang Pilipinas sa naturang torneo na nilahukan ng mga koponang mula sa Great Britain, China, United States, Netherlands at host Japan.
Inaasahang hahakot pa ang PSL team sa huling araw dahil sasalang sina Soguilon, Mojdeh at Esmero, habang lalarga naman sa relay sina Zamora, Donato, Drew Magbag at Kobe Soguilon.
Target ni Soguilon na makuha ang ginto sa kanyang tatlong huling mga events (50m butterfly, 200m IM at 50m freestyle) at sasabak si Mojdeh sa 100m breaststroke at 50m breaststroke.
Si Esmero ay sasalang sa 200m freestyle.