Imports ng PLDT bibinyagan ng KIA
Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
(V-League)
12:45 p.m. PLDT Home Ultera vs Kia Forte
3 p.m. Army vs UP
(Spikers’ Turf)
5 p.m. IEM vs Navy
MANILA, Philippines – Masisilayan ngayon ang pinaigting na puwersa ng PLDT Home Ultera Fast Lady Hitters sa pagharap sa Kia Forte habang sisikapin ng Army Lady Troopers na walisin ang elimination round laban sa UP Lady Maroons sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ito na ang huling araw sa single round robin elimination at malalaman din kung may magaganap na playoff para sa ikaapat at huling puwesto na aabante sa kompetisyong inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Sa kartang 1-3, ang Kia Forte ay nangangailangan ng panalo laban sa PLDT sa unang laro sa ganap na alas-12:45 ng tanghali para maitakda ang playoff laban sa pahingang Navy Lady Sailors na tinapos ang kampanya sa 2-3 karta.
Ngunit hindi magiging madali ang layuning ito dahil bukod sa binubuo ng mahuhusay na locals ang PLDT, humugot pa sila ng dalawang matatangkad at mahuhusay na imports para palakasin ang paghahabol sa pangalawang kampeonato matapos dominahin ang Open Conference.
Sina 6’4 Sareea Freeman at 6’3 Victoria Hurtt ang mga unang dalawang imports na maglalaro sa ikatlo at huling conference ng V-League sa 2015 at tiyak na ang nasa ikalawang puwesto sa team standings (3-1) ang magiging patok para manalo sa liga.
Ikalimang sunod na panalo ang nakataya sa Lady Troopers sa ikalawang laro sa alas-3.
Samanatala, isa lamang sa hanay ng Navy Sailors at IEM Volley Masters ang magpapatuloy ng laban sa Spikers’ Turf Reinforced Conference matapos ang laro ngayon sa alas-5 ng hapon at ang mananalo ang siyang ookupa sa ikaapat at huling upuan sa semifinals.
- Latest