Tams susuwagin ang bonus vs Bulldogs

Laro Ngayon

(Smart Araneta Coliseum)

2 p.m.  Ateneo vs UE

4 p.m.  NU vs FEU

 

MANILA, Philippines – Mahahalagang panalo ang hanap ng mga koponang magtatagisan sa 78th UAAP men’s basketball ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Sisikapin ng FEU Ta­maraws na makaiwas sa anumang komplikasyon sa tangkang pagsubi sa mahalagang twice-to-beat advantage laban sa National University  Bulldogs na magsisimula matapos ang bakbakan ng Ateneo Eagles at humihinga pang UE Warriors sa alas-2 ng hapon.

Tanging ang UST Tigers pa lamang ang nakakuha sa unang twice-to-beat advantage sa Final Four at naiwan ang Tamaraws (10-2) at Eagles (9-4) na naghahabol sa mahalagang insentibo.

Mas maganda ang tsan­sa ng tropa ni coach Nash Racela dahil may isang laro pa silang haharapin ma­tapos ito habang ang Eagles ay nalalagay sa must-win para makahirit ng playoff kung hindi palarin ang Tamaraws sa kanilang mga asignatura.

Papasok ang FEU sa laro mula sa 76-85 pagka­talo sa UST sa huling laban  para maputol ang siyam na sunod na panalo ng ko­­ponan.

Dapat na bumalik agad ang kumpiyansa ng koponan dahil nangangaila­ngan din ang nagdedepensang kampeon NU ng panalo para manatiling buhay ang paghahabol ng upuan sa Final Four.

May 6-7 karta ang NU katulad ng La Salle Archers at ang resulta ng huling laro ng dalawang  koponan ang magdedetermina kung may magaganap bang playoff para sa ikaapat na puwesto sa semifinals.

Limang sunod na panalo ang bitbit ng Eagles,  ang huli ay naitala laban sa karibal na Archers, 73-62.

Tinalo rin nila ang UE sa unang pagkikita, 77-72, pero dapat magpatuloy ang magandang intensidad ng Eagles dahil sa 4-8 karta ng Warriors ay puwede pa silang makaplayoff kung maipanalo ang nalalabing dalawang laro at matalo sa huling asignatura ang NU at La Salle.

Show comments