Laro Ngayon
(Lucena City)
5 p.m. Talk ‘N Text Tropang Texters vs Star Hotshots
MANILA, Philippines – Pinangunahan nina KG Canaleta at Aldrech Ramos ang Mahindra Enforcers sa 103-93 panalo laban sa NLEX Road Warriors para sa unang panalo sa PBA Philippine Cup kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sina Canaleta at Ramos ay nagtala ng tig-14 puntos at ang inilaro ay tila pagpapakita sa Road Warriors na nagkamali sila nang pinakawalan sila matapos mapabilang sa koponan noong nakaraang season.
“I think we played with a sense of urgency. Malaki rin ang tulong nina KG at Aldrech dahil diyan sila galing, they know what to do,” wika ni Mahindra coach Chito Victolero.
Ito ang unang panalo ng Enforcers matapos ang tatlong sunod na pagkatalo at si Kyle Pascual ay may 14 din habang sina LA Revilla at Mark Yee ay naghatid pa ng 13 at 11 puntos para sa balanseng pag-atake.
“I told my players that we played the top three teams and we played very well but young breaks ng game, napupunta sa kanila. I just said don’t be frustrated,” dagdag ni Victolero.
Umalagwa agad ang Enforcers sa 26-16 at mula rito ay hindi na nawala pa ang momentum sa koponan.
Ang pinakamalaking bentahe ay nasa 21 puntos at ang huli ay sa 96-75 sa triple ni Revilla.
Nasayang ang 31 puntos sa 32 minuto ng ageless na si 6’10 Paul Asi Taulava dahil tanging si Sean Anthony lamang ang nasa double-figures sa 19 puntos para bumaba sa 2-2 ang baraha ng Road Warriors.
Samantala, magpapatuloy ang liga ngayon sa Lucena City sa pagtutuos ng Talk ‘N Text Tropang Texters at Star Hotshots sa ganap na alas-5 ng hapon.
Mahindra 103 - Canaleta 14, Pascual 14, Ramos 14, Revilla 13, Yee 11, Hubalde 9,Guinto 8, Pinto 7, Bagatsing 5, Alvarez 4, Dehesa 2, Webb 2, Jaime 0.
NLEX 93 - Taulava 31, Anthony 19, Enciso 9, Arboleda 8, Villanueva J. 8, Borboran 5, Cardona 4, Alas 3, Camson 2, Reyes 2, Apinan 1, Villanueva E. 1, Khobuntin 0, Lanete 0.
Quarterscores: 26-16, 51-43, 74-60, 103-93.